My Google Page Rank

Know what to do when 'The Big One' strikes

PDFPrintE-mail

Posibleng matulad ang Metro Manila sa sinapit ng mga bansang Haiti at New Zealand.

Sa pinakahuling pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency (JICA), anumang oras ay maaaring magkaroon ng magnitude 7 earthquake sa Metro Manila.

Sa ganitong kalakas na lindol, tinatayang mahigit 30,000 residente ang mamamatay. Masisira naman ang 170,000 na kabahayan.

Ayon kay Renato Solidum, ang director ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), mahigit 200 taon nang hindi gumagalaw ang east at west valley fault.

“May 4 na beses na siyang gumalaw na ang magnitude o lakas ng lindol ay malapit sa magnitude 7 na 4 na beses na ang pagitan ng paggalaw ay between 200 to around 400 years,” sabi ni Solidum.

Mas mahaba ang fault line, mas malakas ang dating nito.

“Nagsisimula ito sa Bulacan area tatagos ng Rodriguez papuntang Taguig papuntang Muntinlupa. Maikli lang itong [east valley fault]...San Mateo area and eastern most part ng Rodriguez. Puwede nating sabihin na siguradong gagalaw kasi yan ang batay na sa pagmamapa natin,” dagdag pa ni Solidum.
Iisipin mo ngayon ang nagtataasan na mga gusali sa Metro Manila subalit, ayon kay Architect Jun Palafox, mas ligtas pa dito kumpara sa mga mabababang gusali.

“Sa tall building na 30 stories and above, 2% lang ang number of building that can collapse or get damage. Sa low rise building 25% to 30%,” paliwanag ni Palafox.

Mas delikado naman ang mga gusaling nakatayo mismo sa ibabaw ng fault. Kaya nanawagan si Palafox na maglabas ng mapping sa Metro Manila.

“No. 1 most immediate action kailangan ay hazard mapping. Kung available man dapat i-publish nila,” sabi ni Palafox.

“Actually may plano kami, mayroon kasing bagong technology ‘yong LIDAR (Light Detection And Ranging). Maari nating mamapa kung nasaan ‘yong fault. Kapag nagawa ‘yon ay magpo-produce kami ng booklet,” sagot naman ni Solidum.

*Mga residente na nasa ibabaw ng fault binalaan

Maraming subdibisyon sa Metro Manila ang nasa ibabaw mismo ng fault kaya binalaan ni Solidum ang mga residente dito.

“‘Yong lugar na malapit sa fault, dalawa ang puwedeng maging epekto. Una ang pagbitak ng lupa so wala na tayong engineering intervention doon. ‘Yong pangalawa, at most, ito ‘yong major na hazard, ‘yong groundshaking na posibleng magdulot ng pag-collapse ng building, ‘yon ang ating babantayan,” sabi ni Solidum.

Isa sa marami pang lugar sa Metro Manila na dinaanan ng fault line ay ang Barangay Putatan sa Muntinlupa City.

Natatakot ang mga residente dito dahil nagkakabitak-bitak ang kanilang mga bahay at unti-unti ring lumulubog.

“Itong bahay ko '95 lang noong ipinatayo ko iyan. Dalawang hollow block ang taas niyan sa kalsada pero ngayon nga ay lubog na,” sabi ni Eduardo Bombasi na residente ng barangay.

“Talagang nakakatakot lalo na sa mga bata, baka biglang iyan ay gumuho,” sabi ni Gerry Arciaga na residente din ng barangay.

Ang ilan sa mga subdibisyon na dinaanan ng fault line sa Marikina ay ang Loyola Grand Villas, Loyola Subdivision, Cinco Hermanos Subdivision, Don Juan Subdivision, Industrial Valley Subdivision at St. Ignacius Village. Kasama rin ang White Plains Subdivision at Doña Ana Village sa Quezon City.

Ayon naman sa isang structural engineer, kahit gaano katibay ang pagkakagawa ng bahay ay magigiba rin ito kung nasa ibabaw ng fault.

“Hindi siya kakayanin ng gusali na maging buo pa rin. Mahahati ang gusali or ang bahay. Lahat ng mga bahay na nakatayo or mga bahay na nakatayo sa ibabaw ng fault line, kailangan kayong lumikas na,” sabi naman ni engineer Rani Ison.

Sa kabila ng mga babala sa residente ng Barangay Putatan, ayaw pa rin nilang iwan ang lugar dahil wala raw malinaw na paglilipatan sa kanila.

“Wala namang dumarating na tulong. Wala namang nagbibigay ng tulong sa amin. Dati noon magbibigay yata ng hanggang P30,000, kaya lang wala namang malilipatan, ano maipapatayo doon?” hinaing ni Federico Flor, residente ng Barangay Putatan.

“Ang sabi ko, 'Mayroon ba kayong paglilipatang lugar?' Iyon nga raw ang problema. Iyan nga kako ang problema ninyo. Kayo taga-gobyerno, dapat 'pagka kayo nagpunta sa ano diyan, kinakailangan handa kayo. Kaya hanggang sa ngayon ganito kami rito,” dagdag pa ni Bombasi.

Kung kayo ay ngdadalawang isip pa kung ano ang mangyayari sa inyong bahay o istraktura kung nasa ibabaw ng fault line, puwede naman kayong magsadya sa Phivolcs.

*Ibayong paghahanda

Nagtataasan ngayon ang mga gusali sa Makati at Taguig. Bagamat ipinahayag ng Phivolcs na ligtas ang mga ito sa malakas na lindol dahil sa pagsunod sa building code, problema naman ang maaaring maganap na malaking sunog.

“Kapag may sunog hindi naman puwedeng tatakbo ang firemen at magpatay ng mga sunog kasi kung 500 points ang pagsisimulan ng sunog, 177 lang ang aming nabilang na fire truck sa Metro Manila,” sabi Solidum.

“‘Yong mga firetrucks ba nila, kayang abutin ng ladder just in case of fire. Then identify na the possible evacuation areas,” sabi naman ni Palafox.

Ang problema hanggang ngayon, sa 15 fire trucks ng Makati, wala kahit isa ang may area ladder. Ito sana ang magliligtas ng mga tao na nata-trap sa isang nasusunog na gusali.

“At least one good and reliable area ladder that can reach about 10 stories okay iyon kasi ang atin diyan ay mas mapapadali ang response pagdating sa rescue operations,” pahayag ni Chief Inspector Gerrt Berte ng Makati City Fire Station.

Mas malala naman ang sitwasyon sa Taguig City. Dalawa lamang ang kanilang fire trucks at walang sariling fire station. Maituturing silang iskwater sa loob ng FTI Compound.

“Sa totoo lang medyo napabayaan ang bombero dito sa Taguig. Pero siguro pagdating ng mga ilang panahon pa siguro may sarili na kaming istasyon sa Global,” lahad ni Chief Inspector Buenaventura Cuevas ng Taguig City Fire Station.

Aminado naman ang Metro Manila Development Authority (MMDA), na siyang mangunguna sa rescue kung sakaling may malakas na lindol, na kulang na kulang ang kanilang mga gamit.

“I will have to say we are not, we don't have adequate tools or facilities right now. Kailangan inter-agency cooperation and preparedness. We don't need to wait for these events to happen,” ani Ma. Cristina Velasco, assistant general manager for planning ng MMDA.

Kaya sa oras na magka-emergency, walang ibang aasahan kundi ang ating mga sarili.

“Kung mas malapit ka sa roof deck umakyat ka na lang kaysa bumaba kapag may earthquake. Tayong mga Filipino hindi natin alam ‘yan,” payo ni Palafox.

“Ang ating advocacy diyan ‘yong local government with the local engineer , building official together with the other profession i-inspect na nila ‘yong mga building, i-inspect na nila isa-isa,” sabi naman ni Solidum.

Huwag na po nating hintayin na may mangyari pang sakuna bago tayo umaksyon. Ngayon pa lang ay dapat na maging handa tayo at alamin ang mga dapat gawin sakaling may malakas na lindol.

Ayaw po naming manakot, subalit uulitin namin ang kumpirmasyon ng Phivolcs na hinog na hinog na ang posibilidad na gumalaw ang itinuturong fault line na nagbabanta ng "The Big One."

By Noli de Castro




Related news items:
Newer news items:
Older news items: